Arestado ang isang Grab driver sa isang buy-bust operation Quezon City nitong Linggo ng gabi, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.

Siyam na sachets ng umano'y shabu na lang ang nakumpiska matapos lunukin daw ng suspek ang iba, ayon sa hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police na si Senior Inspector Ramon Aquiatan.

"Ang pagkakasabi ng poser-buyer natin, nung nagpakilala silang pulis at pagpasok sa kuwarto, hinawakan yung nasa plastic na sachet rin ng shabu, na hindi nila malaman kung ilan, at nilunok kaagad," ani Aquiatan.

Nangyari ang  transaksyon sa loob ng kuwarto ng isang apartelle sa Cubao, kung saan nagpanggap ang pulis na buyer at bumili ng P500 halaga ng shabu mula sa target.

Nang magkaabutan na ng item at pera, agad na inaresto ang Grab driver na kinilalang si Kristofer Jay Gavino.

Ayon sa pulis, isang buwan na nilang minanmanan ang suspek na nagpapalipat-lipat ng apartelle.

"Ang nakakabahala rito ay driver nga ito ng Grab, yung mga pasahero niya at nakagamit siya maaaring pag-alukan niya rin ng ibinebentang illegal na droga," ani Aquiatan.

Emosyonal naman ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.

Ayon sa Grab, hindi nila kukunsintihin ang anumang krimen na kinasasangkotan ng kanilang mga partner driver.

“We do not tolerate any criminal activity by any of our partners. We will fully cooperate with any investigation through our security and safety team,” ani Leo Gonzales, tagapagsalita ng Grab.

Ayon pa kay Gonzales, kapag napatunayang guilty si Gavino ay isasama siya sa blacklist na isusumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board. 

Na-deactivate na rin daw si Gavino sa Grab platform, ani Gonzales. —Joviland Rita/KBK/KG, GMA News