Arestado ang 78 Chinese nationals at 11 Pinoy matapos salakayin ng pulisya ang isang hinihinalang online gambling facility sa isang commercial building sa Pasig City.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa"24 Oras" nitong Huwebes, sinalakay ng special operations unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pasilidad ng Finasia Tech Inc.

Nalaman daw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na walang lisensya ang nasabing kumpanya.

Hindi rin daw sigurado ang mga awtoridad kung mayroong mga work permit o sapat na dokumento ang mga naarestong Tsino.

"In-depth investigation ang isasagawa natin para malaman natin kung sino ang responsible groups or individual na nag-facilitate ng pagpasok nila dito," sabi ni NCRPO director Chief Superintendent Director Guillermo Eleazar.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Cybercrime Prevention Act ang mga suspek. Kinuha naman bilang ebidensya ang ilang mga cellphone, USB at iba pang mga gadget sa pasilidad.   

Ayon sa mga suspek na Pinoy, hindi raw nila alam na illegal gambling ang operasyon ng kanilang pinagtatrabauhan.

"Isang buwan lang kami dito. Hindi namin alam na ganito pala," giit ng isang Pinay.

"Ang alam lang po namin is BPO po, 'yun lang po,"' dagdag ng isa.

Nang tanungin naman ang isa sa mga naarestong Chinese national kung ano ang kanyang trabaho, sumagot ito ng: "I do not speak English." —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News