Kalunos-lunos ang sinapit ng isang babae na nasagasaan ng 10-wheeler truck at nahati pa ang katawan sa Cebu City nitong Linggo ng umaga.

Sa ulat ni GMA Regional TV Balitang Bisdak reporter Fe Marie Dumaboc sa GMA News 24 Oras Weekend, sinabing nangyari ang insidente sa South Road Properties.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na pababa umano ng tulay ang truck nang biglang tumawid ang 65-anyos na biktima, na residente ng Mandaue City.

Hindi na umano nakapagpreno kaagad ang driver ng truck kaya nasagasaan niya ang biktima.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ng  GMA Regional TV ang driver na nasa kostudiya ng awtoridad.

Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung bakit nasa lugar ang biktima na ipinagbabawal ang pagpatawid.—FRJ, GMA Integrated News