Kasabay ng muling pagdo-donate ng plasma, inihayag ng COVID-19 survivor na si Senador Sonny Angara, na may binuong website para sa mga katulad niyang nakaligtas sa virus at nais mag-donate ng plasma para gamitin sa mga pasyenteng malubha ang kalagayan dahil sa naturang virus.
Sa naturang website na "Plasma ng Pag-asa," maaaring magparehistro ang mga COVID-19 survivor para makuhanan sila ng plasma na may antibodies na. Ito ang isasalin sa mga pasyente na malubha ang kalagayan dahil sa virus.
"It’s time COVID-19 survivors pay it forward! My office, with help from Bacolod-based web developer Talking Myna, developed #PlasmaNgPagasa, a one-stop-shop website where COVID-19 survivors can privately register with collecting hospitals their intent to donate convalescent plasma," sabi ni Angara sa Facebook post.
Ayon kay Angara, nakipagtulungan na ang kaniyang grupo sa Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, at St. Luke's Medical Center (BGC and QC), at patuloy pa nilang pinapalawak ang kanilang samahan.
"Some studies suggest that convalescent plasma from COVID-19 survivors can help those who are critically ill to recover faster from the disease. While more research is needed, a University of Texas at Austin peer-reviewed study has found that the experimental treatment is completely safe," paliwanag ng senador.
"Sa madaling salita, mas may pag-asa, ‘pag may plasma," dagdag niya.
Nitong Huwebes, muling nag-donate ng plasma si Angara, na huli niyang ginawa noong Abril.
Marso nang magpositibo sa COVID-19 si Angara at halos tatlong linggong nakipaglaban sa virus.
Bukod kay Angara, tinamaan din ng virus sina Sens. Juan Miguel Zubiri at Aquilino "Koko" Pimentel III.
Sa datos na inilabas ng Department of Health nitong Huwebes, 38,805 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos madagdagan ng 242.
Nadagdagan naman ng 235 ang mga gumaling para sa kabuuang bilang na 10,673, habang apat ang nadagdag sa mga nasawi para kabuuang bilang na 1,274. --FRJ, GMA News