Arestado ang isang babae na nagpapanggap na fixer ng annulment online kapalit ng malaking halaga na ibabayad ng mga kliyente sa Quezon City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras, nakipagkita ang National Bureau of Investigation – Cybercrime Division at mga undercover na ahente sa suspek na si Jay Ann Balabagno sa isang restaurant sa Fairview.
Isinagawa ang pagdakip kay Balabagno pagkaabot sa kaniya ng pera. Nakuhaan siya ng ilang annulment documents na natuklasang peke.
Ayon kay Atty. Jeremy Lotoc, hepe ng NBI Cybercrime Division, nakatanggap sila ng sulat mula mismo kay Chief Justice Alexander Gesmundo na humihingi ng tulong tungkol sa isang nag-aalok online ng non-appearance at annulment.
Naniningil umano ang suspek ng P200,000 para sa kada annulment case na inaalok niya at gumagamit pa ng template ng mga korte para magmukhang lehitimo.
Umabot na sa 12 katao ang nabiktima ng suspek.
Humingi ng tawad ang suspek na todo-sisi sa kaniyang ginawa.
Sinampahan na ng reklamong computer-related forgery, paglabag sa ARTA law, at estafa ang suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News