Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang igapos, busalan at gahasain umano ang isang babaeng masahista na kaniyang binook sa isang hotel sa Santa Cruz, Maynila.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang insidente noong Abril 25, kung saan mapapanood sa CCTV ng hotel na napatakbo ang dalawang lalaking staff pasado 6 p.m.

Humihingi na pala ng tulong ang isang babae, na ayon sa pulisya ay nadatnang nakatali sa likod ang kaniyang mga kamay at mga paa.

Mayroon din siyang busal ng tela sa kaniyang bibig.

Bago nito, isang lalaki ang nag-book sa masahista at pinapunta siya sa naturang hotel.

Mula sa plain massage, tinutukan na ng suspek ng patalim ang masahista saka niya ito umano ginahasa.
Bukod dito, kinuha pa ng suspek ang pera at cellphone ng biktima.

Nadakip kalaunan ang suspek na isang habal-habal driver nang mahulihan ng ilegal na droga.

Kasalukuyang nakakulong sa MPD Station 3 ang lalaki.

“Tinali ko po, pero kumbaga nataranta po ako noon eh, sa kamay po tsaka sa paa, para hindi po siya makapagwala. Napulot ko lang din po roon sa may mga ilalim ng kama,” depensa ng suspek.

“Hindi ko po siya hinoldap. Siya lang po ‘yung nagpapadagdag nang nagpapadagdag,” dagdag pa niya.

Bineberipika ng Manila Police District kung ang lalaki rin ang nasa likod ng kaparehong kaso sa Calabarzon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News