Inaprubahan ng Antioch City Council sa California, USA nitong Martes ang pag-aareglo sa kasong isinampa ng pamilya ng Filipino-American Navy veteran na si Angelo Quinto, na nasawi noong December 2020 dahil sa ginawa umanong pagluhod ng pulis sa likod ng leeg nito.
Ang kasunduan ay kinapapalooban ng $7.5-million settlement matapos ang ilang taong legal battle ng mga Quinto at mga awtoridad.
Reklamo ng pamilya Quinto, gumamit ng sobrang puwersa ang mga rumenspondeng pulis nang humingi sila ng tulong na nauwi sa pagkamatay ni Angelo.
Sa pagsang-ayon sa settlement, inihayag ng council members cited na malaking bagay ang naging payo ng insurance authorities, pati na ang Municipal Pooling Authority at California Affiliated Risk Management Authority.
Makaiiwas umano ang lungsod sa mas malaking gastusin kung magpapatuloy pa ang pag-usad ng kaso.
Bagaman nakikisimpatya ang ilang miyembro ng konseho sa pamilya Quinto, naniniwala rin sila sa pagiging komplikado ng kaso. May mga naniniwala rin na walang kasalanan ang mga pulis sa nangyari, batay sa resulta ng imbestigasyon.
BASAHIN: Fil-Am sa California na luhuran ng pulis sa likod ng leeg, namatay
December 23, 2020, nang rumesponde ang mga pulis mula sa tawag na inaatake ni Angelo, 30-anyos noon, ang sarili niyang pamilya sa kanilang tahanan.
Ang kapatid ni Angelo na si Bella, ang tumawag at sinabing sinasakal ni Angelo ang kanilang ina.
Ipinaalam din ni Bella na may "mental health emergency" si Angelo.
Pero sa halip na ambulansya o duktor ang dumating, pulis ang rumesponde sa tawag ni Bella. Ayon kay Bella, kalmado na si Angelo nang dumating ang mga pulis.
Sa kabila nito, sinabi ng mga Quinto, na pilit pa ring pinipigilan ng mga pulis si Angelo at niluhuran sa leeg sa loob ng limang minuto.
Pero ayon sa mga pulis, lumitaw sa imbestigasyon na sa likod niluhuran ang biktima.
Nawalan ng malay si Angelo at namatay sa ospital pagkaraan ng tatlong araw. —FRJ, GMA Integrated News