Nasawi ang isang lalaki nang barilin ng kaniyang kainuman sa Tondo, Maynila. Ilan sa mga posibleng motibo sa pamamaslang ang droga at pikunan.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa State of the Nation nitong Miyerkoles, mapapanood ang inuman ng ilang lalaki sa isang barong-barong sa tabi ng riles sa Barangay 152 pasado 11 a.m.
Ilang saglit lang, isang lalaking nakasuot ng itim ang naglakad paikot samantalang tumayo rin ang isa pa.
Nang magsalubong ang dalawang lalaki, dalawang beses nang pinaputukan ng baril ng lalaking nakaitim ang biktima na kinilalang si Jonathan Belen alyas "Pangan."
Ayon sa Manila Police District, kasuwal lang na naglakad ang suspek palayo sa crime scene matapos ang pamamaril, bago humingi ng tulong ang mga kasamahan ng biktima sa barangay.
Sa isa pang kuha ng CCTV, mapapanood na hinalikan pa ng suspek ang isa sa mga lalaking itinago sa pangalang "Noel."
Kinilala ang suspek na si Nomer Mendoza alyas "Buboy," at kagrupo ni Noel sa Manila City Jail.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Section, nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa mukha.
Sinabi ng MPD Homicide Section na limang taon nang nabilanggo noon ang salarin dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa gun ban in relation to Omnibus Election Code noong Enero 2022.
Patuloy ang pagtugis sa suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News