Patay ang isang apat na anyos na batang lalaki matapos tamaan ng bala sa buy-bust operation sa Barangay Ermita sa Cebu City.

Ayon sa ulat sa GMA News TV "News to Go" nitong Huwebes, nag-aaral daw sa kanilang bahay ang biktimang si Bladen Skyler Abatayo para sa kaniyang exam.

Nagkataong nagsasagawa ng operasyon sa lugar ang pulisya kung saan nakipag-agawan daw ng baril ang isa sa mga suspek.

Kuwento ng ama ng biktima, nakita na lang nilang nakabulagta ang bata matapos nilang makarinig ng malakas na putok.

Nakunan pa ng CCTV na buhat-buhat ng isang lalaki ang biktima para isugod sa ospital.

Itinanggi naman ng hepe ng Carbon Police na nagpaputok sila.

Hindi kumbinsido rito ang pamilya ng biktima dahil may isang pulis daw na humingi sa kanila ng paumanhin noong nasa ospital sila. — Maia Tria/MDM, GMA News