Pinangalanan na ng Philippine National Police (PNP) ang umano'y utak sa pananambang at pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Ipinakita ni PNP chief Director General Oscar Albayalde sa mga mamamahayag nitong Lunes ang diagram na nagpapakita sa mga sangkot sa pagpatay sa alkalde.

Kabilang sa mga suspek ang umano'y mastermind sa krimen na si Christian Saquilabon.

 

 

Isa umanong kontratista ng mga proyekto si Saquilabon, at pinaniniwalaang may kinalaman ang negosyo sa pagpatay sa alkalde.

Ayon kay Police Regional Office 3 director Chief Superintendent Amador Corpus, nasa hanggang walo ang sangkot sa pagpatay kay Bote.

Nadakip na ang umano'y bumaril sa alkalde na sina Florencio Suarez at Roberton Gumatay, habang sumuko naman ang isa pang suspek na si Arnold Gamboa.

Bukod kay Saquilabon, pinaghahanap pa ang isang Jun Fajardo, at dalawang hindi pa binanggit ang pangalan.

Sakay si Bote ng kaniyang sasakyan nang barilin siya noong Hulyo 3 sa Cabanatuan City.

Nangyari ang pamamaril kay Bote isang araw lang matapos ding mapatay sa pamamaril si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili. — FRJ, GMA News