Na-hulicam ang pagkuyog sa ang isang pumalpak na snatcher sa Barangay 469, Zone 46 sa Sampaloc, Manila.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial para sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, naglalakad ang apat na magkakaibigan sa kahabaan ng Padre Noval Street malapit sa España Boulevard sa Sampaloc, Manila pasado ala-una ng madaling araw noong Linggo.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, kita na may naka-istambay na tricycle na may naka-angkas na lalaki.

Pagdaan ng magkakaibigan ay  humarurot ang tricycle sabay  hablot sa cellphone ng isang babaeng naglalakad.

Na-out of balance ang snatcher kaya siya nalaglag sa likuran ng tricycle.

Dito na sya kinuyog ng magkakaibigan at ilang residente.

Ang tricycle driver naman, dalawang beses na bumuwelta para sagasaan ang mga nambubugbog sa kaniyang kasamahan.

Nakatakas sila sa kaniyang ikalawang pagbuwelta.

Pero dahil nahilo sa pagkakabugbog, hindi kaagad naka-angkas ang snatcher sa tricycle.

Ayon sa barangay kagawad na si Boy Lacabe, madalas daw ang kaso ng snatching sa kanilang lugar.

"Siguro mga, sa isang buwan, may isa. Minsan mayroong mas maaga, mga alas-diyes. Mostly ang ano talaga, madaling araw," aniya.

Sabi naman ng pulisya, karaniwang mga estudyante ang target ng mga snatcher pero hindi raw lahat ng biktima ay nagrereport sa mga awtoridad.

"Dapat pong maireport niyo sa inyong kapulisan upang malaman ng pulis niyo kung sino po yung mga gumawa nun at makagawa tauo ng paraan na mahuli natin sila at hindi na po maulit ang mga ganung pangyayari," sabi ni Senior Inspector Philipp Ines ng MPD-Station 4.

Nagpaalala ang pulisya na iwasang gumamit ng mga gadget habang nasa mga pampublikong lugar.

"Iwasan din po natin gumamit ng mga gadget habang tayo'y nasa pampublikong lansangan. Kahit din po dun sa mga pampublikong sasakyan. Iwasan po natin yan kasi nakaka-attract po yan ng atensiyon dun sa ating mga masasamang loob sa lansangan," dagdag ni Ines. — Maia Tria/RSJ, GMA News