Inihayag ng aktres na si Andi Eigenmann na nagbenta siya ng mga gamit at wala na siyang sariling sasakyan, maging ang mga mamahaling designer clothes at bags. Alamin ang dahilan kung bakit niya ito ginawa.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing single and happy si Andi at gustong subukan ang simpleng pamumuhay na malayo sa siyudad at sa showbiz.
Sa ngayon, Baler, Aurora umano naninirahan muna si Andi at ine-enjoy ang hilig niya sa surfing at sinisimulan ang pangarap niyang maging isang manunulat.
"I sold everything that I felt was an idea of luxury that I didn't need," masayang pahayag ni Andi, na nagpapahinga ngayon sa showbiz.
Patuloy niya, "I don't own cars, I don't own any designer clothes at bags. Lahat nang pang-artistang 'yan, make-up, lahat 'yan wala na. Kahit mga kasama sa bahay, yaya, driver lahat 'yan wala na."
Sa nakaraang panayam sa ina ni Andi na si Jaclyn Jose, inihayag ng batikang aktres ang kasiyahan sa nakikita niyang pagbabago sa anak.
READ: Jaclyn Jose, inaya ang anak na si Andi Eigenmann na maging Kapuso
“She matured a lot,” saad ni Jaclyn. “Yung thinking niya, masasabi mo na, you know, she takes care of herself, Ellie, and pati environment."
Sabi pa ni Jaclyn, tumaas ang kamalayan ni Andi sa pangangalaga sa kalikasan.
"Meron siyang advocacy. She wants to save the beach for that matter, particularly Siargao, Baler. -- FRJ, GMA News
