Nabiktima ang Unang Hirit host na si Lyn Ching-Pascual ng Ipit Gang habang namimili sa isang high-end boutique sa Rockwell nitong Sabado, ayon sa kanyang co-host sa Unang Hirit na si Arnold Clavio.
Ibinahagi ni Clavio nitong Lunes sa Dobol B sa News TV na nakita sa CCTV ng boutique na dinikitan si Lyn ng isa sa tatlong babaeng umipit sa host sa isang sulok sa kalagitnaan ng sale.
Kitang-kita sa CCTV na kinuha ng babae mula sa bag ni Lyn ang cellphone niya at ipinasa sa isang kasama niya, na siya namang lumabas kaagad ng boutique.
Akmang kukunin pa ng babae ang wallet ng host ngunit napansin na ito kung kaya't lumipat siya sa ibang rack.
Sinundan pa rin si Lyn ng babae at akmang kukunin pa niya ang wallet nito ngunit umalis rin nang napatingin ang host sa kaniya.
Ipina-blotter na ng host ang insidente sa Makati Police Station 6.
Napag-alaman na pangalawa nang nabiktima ang Kapuso host ng Ipit Gang sa boutique sapagkat nakuhanan din ang isang government undersecretary ng dalawang cellphone mahigit 15 minuto bago si Lyn.
Nalaman na lamang ng undersecretary ang nangyari nang nagkasabay ang kanyang misis at si Lyn sa pagsusuri sa CCTV footage ng boutique.
I-twineet naman ni Lyn ang kanyang pasasalamat sa service provider ng kanyang cellphone para sa pagtulong sa kanya upang maayos ang kanyang personal na impormasyon.
Kudos to @SMARTCares for your immediate action yesterday after my phone was stolen. Also to the staff of #SmartRockwell your immediate assistance is much appreciated. Though my heart is still broken from the loss of my husband’s gift, but your fast action helped.
— ???????????? ???????????????????? ?? ??? (@Lynching7) July 1, 2018
Alam na ng awtoridad ang lokasyon ng cellphone ng Kapuso host sa tulong ng isang app. —Rie Takumi/KG, GMA News
