Malaki ang pasasalamat ni Alden Richards sa tiwalang ibinigay sa kaniya na pangunahan ang bagong GMA telefantasya na "Victor Magtanggol." Bukod kasi sa siya ang bida, mayroon din siyang ambag sa aspeto ng produksiyon ng proyekto.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing mapapanood na sa Hulyo 30 ang "Victor Magtanggol."
"Abangan niyo po 'yung struggles ni Victor. Hindi po paligoy-ligoy 'yung pilot episode eh. Kailangan talaga nilang mapanood para makasunod sila du'n sa mga susunod na araw ng airing," sabi ni Alden.
Kuwento pa ni Alden, kasama rin siya sa mga nag-isip mula sa costume hanggang sa istorya.
"Ito po 'yung kauna-unahan kong project na nagkaroon ako ng say sa lahat po ng aspeto ng paggawa at pag-create ng istorya, sa costume, sa lahat po, kaya nagpapasalamat po ako sa opportunity po na ibinigay niyo sa akin, sa tiwala po, nagtiwala po kayo sa judgment ko," ayon pa sa aktor.
Excited din ang mga makakasama ni Alden sa serye dahil sa likod ng camera, isa silang masayang pamilya at produksyon.
"Nakakatuwa. We had so much fun. Mas lalo ko siyang nakagaangan ng loob. We had a wonderful time, nakakatawa kasi si Alden," sabi ni Coney Reyes.
"Excited din kami kasi nu'ng nagkatrabaho kami sa set iba rin 'yung pakiramdam namin na magkakasama. Kumbaga parang masaya kami lagi tsaka hindi kami nahirapan," saad naman ni Chynna Ortaleza.
Ayon naman kay Andrea Torres, "Nakakatuwa rin talaga kasi at least mache-check ko na rin 'yung fantasy du'n sa mga nagawa kong project, and pambata siya talaga, 'yun 'yung pinaka-excited ako na 'yung role ko iba naman ngayon."
Nang tanungin kung sino ang kanilang "Victor Magtanggol" sa tunay na buhay, sabi ni Coney, "Iisa lang ang tagapagtanggol ko, ang Panginoong HesuKristo. Only God really is the one who fights my battles for me."
"Tatay ko ang Victor Magtanggol ng buhay ko," sabi naman kay Chynna.
"Daddy talaga natin, gagawin ang lahat para protektahan tayo," para kay Andrea.
At si Alden naman, "Lola ko 'yung nagtanggol sa akin sa buhay na 'to." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
