Dahil unang pagkakataon na gaganap sa role na superhero si Alden Richards bilang si "Victor Magtanggol," nagbigay sa kaniya ng payo ang dating gumanap na "Super Maam" na si Marian Rivera.
Sa programang "Tonight With Arnold Clavio," ipinagtanggol ni Alden ang konsepto ng "Victor Magtanggol" na inaakala ng iba na katulad kay "Thor" ng Marvel.
"Bibigyan po natin ng linaw ang mga espekulasyon at mga bagay na binabato sa 'Victor Magtanggol.' Magne-name drop na po tayo, 'yung Thor na nagawa ng Marvel is 'yun 'yung nakasanayan na 'Thor' concept ng mga tao kasi du'n talaga siya na-typecast. Pero lingid po sa kaalaman ng lahat, si Thor mismo ay nanggaling sa Norse mythology. At ang Norse mythology ay public domain," sabi ni Alden.
"So wala po kaming sinagasaang rights, wala po kaming ginaya at higit sa lahat, ang 'Victor Magtanggol' po ay purong Pilipino. 'Yun po ang maipapakita namin sa kanila na wala po kaming ginayang konsepto na nailabas na sa mata ng publiko," pagpapatuloy pa ng aktor.
Kuwento ni Alden, challenge sa kaniya ang pagganap bilang superhero, dahil pinili niyang hindi magpa-double sa mga stunt.
Kaugnay nito, pinayuhan naman siya ni Marian, na gumanap na noon bilang si "Super Ma'am" at naging "Darna" rin.
"The mere fact na nabigyan ka ng trabaho ng GMA at ibinigay sa 'yo ang title role, ibig sabihin dapat hindi mo sila biguin," ani Marian.
"So just be yourself, gawin mo lang. Kasi alam naman natin kapag trabaho... Knowing Alden, nakatrabaho ko si Alden, 100% magtrabaho 'yan," saad ni Marian.-- FRJ, GMA News
