Hindi ikinaila ni Jake Zyrus ang mga dinadanas niyang diskriminasyon tulad sa paggamit ng public restrooms dahil sa pagiging transman niya. Sa kabila nito, mas pinili na lang daw niya ang maging positibo sa buhay.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes,  sinabing bakas sa kuwento ni Jake ang sakit na mga nararamdaman sa ilang pagkakataon na nakaranas siya ng diskriminasyon bilang isang transman.

July 2017 nang aminin niya sa publiko ang kaniyang piniling kasarian mula sa dating si Charice. Pero paglalahad niya, hindi naging madali ang lahat.

"You have no idea what some people message me. I don't think it's... kung meron tayong word na discrimination it's more than that," ani Jake. "And to think that sometimes they put those insult... below the belt words along with God, and that upsets me."

Ibinahagi rin niya ang sitwasyon kapag gagamit siya ng public restroom na kung minsan ay napipilitan siyang magpunta sa pang-may handicap o disabled person.
Aniya, minsan ay tinitingnan na raw agad siya kapag papunta pa lang sa CR na pang-lalaki.

"I get the look pupunta ka pa lang mapapalapit ka. Do you know where I go sometimes? I'm gonna be honest,  sometimes I go to a... handicap," saad niya.

Sa kabila nito, sinabi Jake na hindi siya ang taong magpapabago ng isip ng mga tao at wala rin daw siyang karapatang baguhin ang paniniwala ng iba.

Tanging hiling niya, tingnan naman sana ng gobyerno at isulong ang karapatan ng mga mamamayang katulad niya.

Habang naghihintay siya ng pagbabago, mas pinipili niya raw ni Jake na harapin na lang ang mga positibong bagay tulad ng bagong Japanese thriller film na kaniyang kinabibilangan.

Kasama si Jake sa pelikulang "Yaru Ona" o "She's The Killer," kung saan kasama niya si Kang Ji Young, na dating miyembro ng K-pop group na Kara.

"When they handpicked me for the role sabi nila bagay daw sa akin," saad ni Jake. "They were very nice. They were very respectful. Alam naman natin 'yung mga Japanese talaga napaka kalmadong katrabaho and sobra 'yung alaga talaga nila." --FRJ, GMA News