Masisilip daw ang bahay ng mga Legaspi sa bagong Kapuso talk show na "Sarap 'Di Ba?," na pangungunahan ni Carmina Villaroel, at kasama rin ang kambal niyang anak na sina Mavy at Cassy Legaspi.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, hindi naitago ni Carmina ang pananabik dahil babalik siya sa trabahong paborito niyang gawin, ang hosting.

"Nu'ng pagdating ko dito sa studio, nu'ng nakita ko 'yung set, nakita ko sina Direk Louie and everybody, wow, 'yung parang mas talagang na-excite na ko," saad ni Carmina.

Excited at may kasama kaba naman daw ang naramdaman ng kambal na sina Mavy at Cassy sa kanilang first hosting job.

Pakiramdam daw ng mag-iina, parang extension ng kanilang tahanan ang "Sarap, 'Di Ba? lalo na sa unang episode kung saan ang mga taong malapit sa kanilang puso ang kanilang bisita.

"'Yung first guest namin, siyempre 'yung malalapit sa puso ko talaga, mga best friends ko, mga ninang nila. Tapos marami kaming pag-uusapan," saad ni Carmina.

Sa segment nina Mavy at Cassy, may pasilip daw sa bahay ng mga Legaspi.

"Medyo makikita nila nang konti 'yung bahay namin nang slight dahil, 'di ba, may segment kayong ganu'n, 'yung mga kuwarto nila. I think this show is like i said, an extension of our home," ayon pa kay Carmina. -- FRJ, GMA News