Ikinuwento ni Kapuso star Sanya Lopez na intimate scenes kaagad ang kinunan sa kanila ni Kapuso Drama King Dennis Trillo para sa upcoming GMA series na "Cain at Abel."

"Unang take 'yun agad, una naming scene 'yun agad," natatawang sabi ni Sanya sa press conference ng The Color Run Hero Tour na ginanap sa GMA Network kamakailan.

"Okay naman. Buti na lang gentleman si kuya Dennis... si Dennis Trillo. Until now hindi pa rin ako sanay, pero Dennis Trillo. Mabait sila (ni Dingdong Dantes) at approachable naman. So partly nahihiya man ako pero nababawasan dahil sa help nila," dagdag ni Sanya.

Dahil katatapos lang ng sexy at intimate movie nila ni Derrick na "Wild and Free," natanong si Sanya kung sanay na siya sa mga intimate scene.

Agad niyang ipinaliwanag na iba ang karanasan niya sa mga intimate scene niya sa "Wild and Free" at sa "Cain at Abel."

"Ang kaibahan kasi si Derrick Monasterio is sobrang close ko na before pa. Magkaibigan na talaga kami before pa. Sanay na kami at kampante na kami sa isa't isa. Kumbaga gano'n, kaya medyo mabilis para sa akin sa 'Wild and Free' namin," saad niya.

Ayon pa kay Sanya: "Iba kasi 'yung dito, kasi dito parang hindi kami (Dennis) nagkaroon ng chance na makapag-usap nang matagal. So nu'ng set na, du'n na lang talaga kami... Magkaiba kami ng tent, so kumbaga ito lang 'yung chance para makipag-communicate sa kaniya during nagri-rehearsal pa lang. Du'n lang kami nakapag-usap talaga."

Gaganap bilang si Margaret Tolentino-Larrazabal si Sanya, ang magiging love interest nina Dennis at Dingdong sa series.

"Ako po si Margaret Tolentino-Larrazabal, isang babaeng simple lang, probinsyana, pero palaban din. Raketera ang tawag sa kaniya dahil lahat papasukin niya alang-alang sa pagmamahal niya at 'yung suporta niya sa pamilya niya," kuwento ni Sanya.

"Pero nandu'n din naman 'yung limitation of course, 'yung dignidad din kasi ni Margaret Tolentino, tinitingnan din kung alam niya kung makakasama or hindi sa kaniya. At torn siya dito, sa dalawang guys which is si Dingdong Dantes at kay Dennis Trillo," patuloy niya.

Tinanong din si Sanya kung nakakaramdaman siya ng pressure na dalawang "hari" ng GMA ang love interest niya.

"Actually nape-pressure nga ako, pero at the same time I'm thankful talaga. Mas thankful ako dahil pinagkatiwalaan ako ng GMA na ako 'yung mapili sa kanilang dalawa," tugon ni Sanya na aminadong kinakabahan pa rin siya na makatrabaho sina Dingdong at Dennis.

"I feel grateful talaga sa mga nangyayari sa akin. I'm so happy, 'yun lang 'yung napi-feel ko. Pero medyo kino-control ko 'yung pagiging, 'yung kaba, dahil siyempre, baka naman umabot tayo sa kaba ka lang nang kaba and then maapektuhan na 'yung acting mo, 'di ba? So 'yun, masaya ako na nakatrabaho ko sila," ayon pa sa aktres.

Dapat daw abangan kung papaano masusubok ang paninindigan ni Margaret sa istorya.

"Titingan natin kung bakit, 'yung paninindigan ni Margaret Tolentino, na dapat hindi ganito 'yung ginagawa mo at ilang beses ka nang niloko. Ikaw ba papayagan mo pa rin na ma-in love ka sa isang taong hindi naman kayang magbago para sa 'yo?," aniya. -- FRJ, GMA News