Gaya ng inaasahang, matinding aksyon at drama ang natunghayan sa pilot airing ng bagong tutukang Kapuso primetime series na "Cain at Abel," na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.

Bago magsimulang ipalabas ang serye, nakapanayam muna sa GMA News "24 Oras" ang dalawang aktor, at inihayag nila kung ano ang maasahan ng mga manonood sa unang araw ng serye.

"Sa pambungad isang matindi at isang solid na kuwento at matinding dramahan pero siyempre may halong aksyon na rin," sabi ni Dingdong.

"Talagang umpisa pa lang gugulatin na kayo ng mga eksenang ginawa namin dito," dagdag naman ni Dennis.

Sinabi rin ng dalawa na dapat abangan ng mga manonood kung sino sa kanila ang maituturing na "Cain" at "Abel."

Sa social media Twitter naging top trending topic ang #CainAtAbel.

Nagpahayag ng paghanga ang netizens sa pilot episode sa husay ng mga eskena at tila pelikula umano ang pagkakagawa.

Sa simula pa lang, ipinakita na ang salpukan ng magkapatid na nagkahiwalay na sina Dingdong at Dennis, at nasundan ng pagbabalik-tanaw sa kanilang kabataan at kung paano sila nagkawalay.

 

 

-- FRJ, GMA News