Inihayag ni Kaye Abad na nagkaroon sila ng relasyon noon ni Chito Miranda at nagkahiwalay din, ngunit naging “okay” ang kanilang break-up at nanatili silang magkaibigan.

“We’re still friends. We broke up na magkaibigan kami,” sabi ni Kaye sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.

“He even invited me sa wedding niya. I invited him sa wedding ko,” pagpapatuloy ng aktres.

Inilahad ni Kaye kung paano nila napanatili ni Chito ang kanilang pagkakaibigan matapos maghiwalay.

“I think ‘pag okay ang breakup ninyo… Sa way ko siguro na nakipag-break. Mahinahon.”

“Sa amin kasi ni Chito, nagkaintindihan na it's better this way, na it's better na maging friends na lang. And na-maintain namin na friends kami,” pagpapatuloy niya.

Matapos maghiwalay, patuloy na nanonood si Kaye ng mga gig ng Parokya Ni Edgar frontman, at kinuha pa noon si Chito ng asawa na niya ngayong si Paul Jake para sa isang gig sa Cebu.

Kasal na si Kaye kay Paul Jake Castillo, at may dalawa silang anak na sina Joaquin at Iñigo.

Kasal naman si Chito kay Neri Naig, at may tatlong anak na sina Miggy, Cash at Pia. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News