Inihayag ng dating Sexbomb dancer na si Sunshine Garcia kung bakit mahirap ang maging asawa ng isang politiko.

“Kasi maraming expectation ‘yung tao sa'yo. Pati ‘yung kung paano ka magsalita minsan, paano ka kumilos. Kailangan, parang obligasyon mo minsan na alam mo ‘yung tumulong ka nang tumulong. ‘Pag hindi mo natulungan, masama ka,” paliwanag ni Sunshine sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

Bukod dito, nakaramdam din si Sunshine ng panghuhusga mula sa ilang politiko na kaniyang nakilala.

“May iba kasi akong politician na nakaharap na titingnan ka nila magmula ulo hanggang paa. Para ka nilang ‘Magkano ba ito?’ Sinusukat ka na nila. ‘Pag hindi ka nila type, hindi ka nila kakausapin,” dagdag niya.

“Feeling ko minsan… basta mahirap, Tito Boy,” pagpapatuloy ni Sunshine.

Si Sunshine ang asawa ni Bulacan Vice Governor Alex Castro.

Bukod dito, ipinaliwanag din ni Sunshine na hindi porke naging artista siya ay sanay na rin siya sa  maraming tao.

“Ang problema kasi, Tito Boy, ‘di ba minsan sa atin ‘pag pagod ka na, makikita na ‘yan sa mukha mo. ‘Puwede bang huwag na muna?’ Sa kanila, hindi puwede ng gano’n. Kailangan, kahit pagod ka, kahit masama ‘yung pakiramdam mo, ‘Hi! Hello!,’” patuloy niya.

Kuwento ni Sunshine, may ugali siya na kapag masama ang kaniyang pakiramdam, makikita ito sa kaniyang mukha.

Sa kabila ng pagiging isang dating Sexbomb dancer at napapanood sa telebisyon, inamin ni Sunshine na naiilang siya sa maraming tao.

“‘Yun ang totoo Tito Boy, ilang din ako sa maraming tao na hindi ko kilala. Lumalabas ‘yung ganito kong ugali kapag kasama ko si Mia (Pangyarihan), si Johlan (Veluz), ‘yung mga talagang puwede kong ilabas kung ano ‘yung kulit ko. Pero pag ibang tao, wala,” paliwanag niya.

Ayon kay Sunshine, nauunawaan naman ng kaniyang mister ang kaniyang kalagayan.

“Siya talaga ‘yung ‘Mama, kaya mo pa?’ Gusto mo sa sasakyan ka na lang?’ Naiintindihan din niya,” patuloy niya.

“At saka ‘pag puro English na nga ‘yung usapan, talagang... nilalagnat ako!,” biro pa ni Sunshine.

Ikinasal sina Sunshine at Alex noong Marso 2019.

May dalawa silang anak na sina Xander at Axel.-- FRJ, GMA Integrated News