Sinampahan ni Bea Alonzo ng tatlong magkakahiwalay na reklamong cyber libel sa Quezon City Prosecutors Office ang showbiz columnists at online hosts na sina Cristy Fermin and Ogie Diaz. Kasama sa reklamo ang kani-kanilang co-hosts sa kani-kanilang online program.

Ayon kay GMA News Integrated reporter Nelson Canlas, nagsampara rin ng reklamo ang Kapuso actress laban sa isang online basher na nagkukunwari umanong malapit sa kaniya.

Batay sa reklamo ni Bea, sinabi ng aktres na biktima siya ng mali, malisyoso at nakasisirang impormasyon mula sa isang tao na nagkukunwaring malapit sa kaniya.

Ang naturang akusasyon ay inilabas naman at tinalakay sa mga online show nina Cristy at Ogie nang walang basehan.

 

 

Kasama na umano rito ang mga pang-iinsulto sa kaniya sa kolum at online shows ng dalawa, pati na ang paratang na hindi siya nagbabayad ng tamang buwis.

Kasama ni Bea sa pagsasampa ng reklamo ang kaniyang abogado na si Atty. Joey Garcia at manager na si Shirley Kuan.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig nina Ogie at Cristy kaugnay nito. -- FRJ, GMA Integrated News