Dalawang balikbayan na mula sa Hawaii ang nasawi nang maaksidente ang kanilang sinasakyan sa Ilocos Norte. Ang isa sa mga biktima, nakatakda sanang ikasal sa Huwebes.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga nasawing balikbayan na sina Tristan Lorenzo at Christian Philip Agravante, na ikakasal sana sa Huwebes.

Ayon sa awtoridad, bumangga sa poste ng arko sa Bacarra, Ilocos Norte  ang sinasakyan ng mga biktima at lumambitin sa riprap nitong madaling araw ng Miyerkoles.

Anim na iba pa ang nasugatan, kabilang ang driver, na pawang taga-Pagudpod.

Patungo umano sa Laoag City ang mga biktima nang mangyari ang trahediya.

"Bumangga siya doon sa arko, then nag-overshoot siya sa may paglampas sa may bukid na, so nag-hanging 'yun sasakyan doon," ayon kay P/Insp. Fredwin Sernio, Deputy Chief of Police, Bacarra police.

Hindi na muna umano nagbigay ng pahayag ang mga nagluluksang kaanak ng mga biktima.-- FRJ, GMA News