Isang nakabakasyong OFW ang nakaiwas sa pagbangga ng pickup truck pero hindi pa rin siya nakaligtas nang tamaan sa ulo ng road barrier na tinamaan ng naturang sasakyan sa Iligan City.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing nakaupo sa kaniyang motorsiklo ang OFW habang hinihintay ang ama sa gilid ng kalsada nang dumating ang pickup truck na nawalan ng kontrol.

Upang makaiwas sa pickup truck, iniwan ng biktima ang kaniyang motorsiklo at tumalon sa kanal para magkubli.

Nabangga ng pickup ang motorsiklo ng biktima at ang road barrier.  Sa kasamaang-palad, tumama ang natanggal na harang ng kalsada sa ulo ng biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Paliwanag naman ng drayber ng pickup truck, hindi niya nakontrol ang sasakyan sa madulas at maputik na daan kaya niya nabangga ang motorsiklo at barrier.

Humingi ng paumanhin sa pamilya ng OFW ang drayber na nasa kostudiya na ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News