Dumating sa bansa nitong Miyerkoles ang panibagong grupo ng mga overseas Filipino workers na kumuha ng amnestiya sa United Arab Emirates.


Ang 125 OFWs [118 ang babae, pito ang lalaki at isa menor de edad], ang ikatlong grupo ng mga Pinoy na napagkalooban ng amnestiya ng UAE, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

"This brings to 341 the total number of OFWs who were repatriated by the DFA since the amnesty program began this month," saad sa pahayag ng DFA.

Muling hinikayat ng DFA ang mga kuwalipikadong Pinoy na nasa UAE na samantalahin ang iniaalok na amnesty program na magtatapos sa October 31, 2018.

"[This is] to give the Philippine Embassy in Abu Dhabi and the Philippine Consulate General in Dubai ample time to process the necessary documents for their repatriation," anang DFA.

Ang mga bumalik na OFWs ay pinagkalooban ng P5,000.00 financial assistance bawat isa, ayon kay Senior Special Assistant Olivia Palala ng DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs.

Sinabi rin ni Palala na sasagutin din ng DFA ang connecting flights ng 26 OFWs na uuwi sa kani-kanilang lalawigan.— FRJ, GMA News