Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mas nadagdagan ang oportunidad ng mga Filipino health workers na makapagtabaho sa United Kingdom matapos na alisin ang quota sa pagbibigay ng visa para sa mga doktor at nurse.
 
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na ang pag-alis ng quota visa ay ginawa ng pamahalaan ng UK sa ilalim ng kanilang migration policy Tier 2.

Dahil dito, mas madadagdagan pa umano ang mga Filipino professional health care worker na maaaring makapagtrabaho sa naturang bansa.
 
“The British government sees the Philippines as one of the best sources of world class healthcare professionals, particularly nurses. We expect more Filipino nurses and doctors to take advantage of the increasing demand in the UK health care sector,” anang kalihim.
 
Ang mga aplikanteng nurse sa UK ay inuobligang kumuha ng International English Language Testing System (IELTS) at dapat na maipasa ang dalawang bahagi ng competency examination na kinabibilangan ng Computer-Based Test (CBT), na makukuha sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
 
Dapat ding kumuha ang aplikante ng Objective Structured Clinical Examinations (OSCE) na ginagawa sa England.
 
Batay umano sa datos ng Philippine Overseas Labor Office sa London, mga nurse ang pinakamaraming ipinapadalang OFW sa UK. Noong 2017, 1,446 ng 1,524 OFWs na ipinadala sa UK ay nurse.
 
Sa datos hanggang nitong December 2017, nasa 75,787 Filipino workers ang nasa UK na karamihan ay professionals at highly-skilled sa healthcare at engineering industries.-- FRJ, GMA News