Hindi nawawala ang pagiging matulungin ng mga Pinoy saan mang lugar kapag may kababayang nangangailangan ng tulong. Tulad ng ginawa ng dalawang OFW na itinaya ang kaligtasan at kanilang trabaho matulungan lang ang isa pang OFW na ilang araw nang ikinulong sa bahay ng kaniyang amo.



Sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video ang mga OFW na sina Honie Grace Cortez dela Cerna at Regenia Valdez, na nasa rooftop at abala sa pagtali ng supot na may lamang cellphone, portable wifi at pagkain.

Ang naturang supot, nilagyan nila ng mahabang tali para maibaba sa bintana kung nasaan naman at nag-aabang ang kababayan nila at kapwa-OFW na si Arna Ayunan.

Nang makuha na ni Ayunan ang supot, sinabihan siya nina Dela Cerna at Valdez na kumain na at iginiit na ang mahalaga ay ma-rescue siya mula sa pagkakakulong sa bahay.

Kinunan nila ng video ang tinawag nilang "buwis-buhay" na pagtulong noong October 15 para sa anila'y "friendship."

Saad ng dalawa, salbahe ang amo ni Ayunan at apat na buwan na rin daw na hindi pinapasahod ang kanilang kaibigan.

Nitong nakaraang Abril, namatay daw ang asawa ni Ayunan pero hindi siya pinayagan ng amo na umuwi ng Pilipinas.

Matapos ang ginawang pagtulong nina Dela Cerna at Valdez, kinalaunan ay pinayagan na rin si Ayunan na umuwi ng Pilipinas.

Iyong nga lang, sa halip na apat na buwang sahod, isang buwang sahod lang umano ang ibinayad kay Ayunan na tubong-Maguindanao.

Nakauwi na ng bansa si Ayunan at sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration na nakikipag-ugnayan na ang Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait sa foreign recruitment agency upang makakuha ng report tungkol sa insidente.

Sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration, na isa ang ang ilegal na pagkulong at pangmamaltrato sa mga dahilan ng mga Pilipinong nagpa-repatriate mula Kuwait noong 2017.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs, may mahigit 255,000 na Pilipino ang nagtatrabaho ngayon sa Kuwait.-- FRJ, GMA News