Nang dahil daw sa matinding homesickness, isang bagong dating na OFW dito ang uminom ng bleach, dahilan upang siya ay ma-confine sa ospital nang isang linggo.

Isinugod si Clara (hindi tunay na pangalan) ng kanyang amo sa ospital matapos makita ang kanyang ginawa, ayon sa kinatawan ng recruitment agency ng OFW na nakapanayam ng GMA News.

Labor Attache Nasser Munder kasama ang kasambahay na uminom ng bleach
Labor Attaché Nasser Munder kasama ang kasambahay na uminom ng bleach

Dalawang maliit na baso ng bleach daw ang ininom ng 28-anyos na OFW na isang buwan pa lang nagtatrabaho sa Saudi Arabia bilang kasambahay.

Ayon kay Labor Attaché Nasser Munder, nakauwi na ang OFW kasabay ang ilan pang distressed OFWs na nakatira sa Bahay Kalinga.

Dagdag pa ni Munder, ang nangyari kay Carla ay isa na namang halimbawa ng mga OFW na hindi napaglabanan ang homesickness kaya gumawa ng paraan para mapansin at makauwi sa Pilipinas.

Payo ni Munder sa recruitment agencies, dapat muna alamin ang pagkatao ng mga aplikante bago sila paalisin ng Pilipinas.

"Bago niyo ipadala, tingnan niyo muna ang background nila, i-brief muna sila kung ano ang dadatnan dito, kung ano ang posibleng puwedeng mangyari dito para makapag-isip-isip yung mga gusto mag-abroad kung kaya niya o hindi niya kaya," ani Munder.

Pinayuhan din ni Miunder ang mga nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa na siguruhin muna nila ang kanilang mga sarili kung kaya nilang mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon kay Munder marami raw silang nahahawakang mga kaso ng mga OFW na biglang nagkakasakit pagdating sa Saudi Arabia at idinadahilan ang kanilang pagkakasakit para makauwi.

"Mag-isip-isip muna kayo kung kaya po ba nito ito physically, ang trabaho tuloy-tuloy, minsan sampung oras isang araw. Kaya niyo ba mahiwalay sa inyong pamilya ng ganon katagal?" ani Munder. —KBK, GMA News