Labis na pighati ang nararamdaman ngayon ng mag-asawang OFW na sina Manny at Freda matapos mamatay sa sunog ang dalawa nilang anak sa Jaro, Iloilo, nitong nakaraang Biyernes ng madaling araw.

Bukod sa dalawang anak na may edad 10 at 11, namatay din sa nasabing insidente ang ina ni Freda.

"Madaling araw po. Alas tres siguro natutulog po sila. Hindi na nagising, na-suffocate siguro kaya hindi na sila nakalabas. Pati si nanay hindi na rin nakalabas," ani Manny sa panayam ng GMA News.

Dahil sa masamang balita, na-confine si Freda sa ospital na pinatatrabahuhan para mapakalma matapos itong mag-hysterical nang malaman ang nangyari sa dalawang anak at ina.

Sinabi ni Manny na hindi pa nila alam ang buong detalye sa pagkasunog ng kanilang bahay at ang tanging impormasyon lang daw na kanilang natanggap ay natutulog sa ikalawang palapag ang dalawa bata at kanyang byenang babae nang mangyari ang insidente.

Nakausap pa raw nila ang dalawa nilang anak sa phone noong Huwebes ng gabi ilang oras bago nangyari ang sunog.

"Masakit po kasi alam niyo naman pag mga magulang, di ba pag nagka-anak kayo lahat ng mga pangarap niyo ay para sa mga anak niyo, lahat ng ginagawa, trabaho, income para sa kanila lahat yun, para sa kinabukasan nila. Tapos hindi mo aakalain na mangyari ito," sabi ni Manny.

Ang mag-asawang Manny at Freda ay 15 taon nang nagtatrabaho sa isang pribadong ospital sa Jeddah. Sa katunayan, sa Jeddah isinilang ang kanilang mga anak at napilitan lang daw silang iuwi ang mga ito sa Pilipinas noong 2011 dahil daw sa hirap ng buhay sa Saudi Arabia.

Humingi naman ng tulong ang Migrant Rights Group na Kaagapay ng Bawat OFW kay Philippine Consulate Consul General Edgar Badajos para makakuha agad ng extension ng passport si Freda na magi-expire sa buwan ng Marso.

Nangako din si Social Welfare Attache Priscilla Razon na tutulungan ang mag asawa.

Kinuha na rin ni OWWA Administrator Hans Cacdac sa Kaagapay ang detalye ng mag-asawa para makatulong sa kanila pag-uwi nila sa Iloilo. —KBK, GMA News