Kahit isinilang at lumaki sa California, USA, proud sa kaniyang Pinoy heritage si Juslyn C. Manalo, ang kauna-unahang Fil-Am na babaeng mayor ng Daly City.

Nang makausap ng mga mamamahayag na bahagi ng Friends, Allies, Partners Program sa city hall ng Daly, nakasuot si Manalo ng modern Filipiniana dress.

“I grew up here in Daly City, a very diverse community. I serve all of my community, but I’m so proud of my Filipino heritage and also you know with 34% of our kababayans here, I think it is important to have representation,” sabi ni Manalo.

Napag-alaman na tubong- Batangas at Laguna ang mga magulang ng alkalde.

Ang Daly City ang lungsod sa Amerika na may pinakamalaking konsentrasyon ng Filipinos at Filipino-Americans, na mahigit 30% ng mga residente ay may dugong Pinoy.

Bagaman hindi si Manalo ang kauna-unahang naging alkalde ng Daly na may lahing Pinoy, proud siya na naging kauna-unahang Fil-Am na babae na naging alkalde ng lungsod.

“I am the first Filipina, so it’s long overdue," saad niya. "I always wondered why there wasn’t a female [mayor]."

Kabilang sa mga adbokasiya ni Manalo sa pagiging alkalde ang pagsuporta sa mga immigrant sa lungsod.

“We're looking for ways to support our immigrant communities, in rental assistance… Some of the land that is city-owned will go to this affordable housing. In San Mateo county, we have a large housing project in the bayshore area, we have 500 units,” paliwanag niya.

Kabilang din sa mga plano ni Manalo na maibalik ang selebrasyon at kapistahan ng kanilang "sister city" na Quezon City, na nabuo noong 1994.

Layunin ng pagkakaroon ng "sister city" na magtulungan ang dalawang lungsod para sa ikauunlad ng kanilang nasasakupan at suportahan ang iba't ibang larangan tulad sa edukasyon, komunidad, isport, turismo at iba pa.

“While I was growing up in Daly City, there was a Quezon City Friendship City Festival. It was huge. The elder generation held that huge festival, so maybe one day we're gonna have that resurgence happen and bring back that festival,” ayon kay Manalo na umaasang makikilala rin nang personal sa hinaharap si Quezon City Mayor Joy Belmonte.

“We're looking [forward] to that collaboration and hopefully one day we'll visit the mayor,” ayon pa kay Manalo. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News