Dead on the spot si Reverend Father Mark Ventura, isang Catholic priest, nang pagbabarilin sa harap ng altar matapos siyang mag-Misa sa isang barangay sa bayan ng Gattaran sa lalawigan ng Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulis-Gattaran, nangyari ang pamamaril pasado alas-otso ng umaga sa Barangay Peña West.

Kakatapos pa lamang umano ng banal na Misa ni Fr. Mark nang lapitan siya ng suspek at pagbabarilin. Agad na tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.

Si Fr. Ventura ay ang dating mission director ng Mabuno Mission ng Cagayan. Siya ay dating rector at prefect of discipline ng Thomas Aquinas Major Seminary. Naging professor din siya ng Lyceum of Aparri, Cagayan.

Siya ay inordinahan sa Tuao, Cagayan, limang taon pa lamang ang nakalilipas.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis kung sino ang salarin at ang motibo ng pamamaril. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News