Patay ang isang umano'y tulak ng droga sa operasyon ng mga pulis sa Bulacan nitong Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ng Unang Balita, kinilala ang suspek na si Robin Nogoy, 37, na nabaril sa isang buy-bust operation sa bayan ng Pandi.

Bigla umanong nagpaputok ng baril si Nogoy nang matunugan na pulis ang kaniyang katransaksyon ng droga.

Pahayag ni Police Senior Superintendent Chito Bersaluna, provincial director ng Bulacan Police, taga-supply ng shabu si Nogoy sa kaniyang mga parokyano sa loob ng relocation sites  sa Pandi.

Dagdag pa, dati na umanong sumuko sa mga pulis si Nogoy at dumaan na sa drug reformation program, ngunit patuloy pa rin umano ang kaniyang pagtutulak ng shabu.

Narekober mula kay Nogoy ang isang kalibre 38 na baril at limang sachets ng hinihinalang shabu. Nakuha rin ng mga awtoridad ang kaniyang tricycle.

Patuloy naman umano ang followup operation laban sa mga posibleng kasabwat ni Nogoy sa Pandi. —LBG, GMA News