Apat na naman ang patay sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Bulacan nitong Martes ng gabi, anim na araw matapos mapatay ang apat din sa umano'y sangkot sa ipinagbabawal na gamot sa lalawigan.

Iniulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles na nangyari ang pinakahuling madugong magkahiwalay na police operations nitong nakaraang hatinggabi ng Martes.

Kabilang sa apat na napatay ang dating sumurender na drug suspect na kinilalang si Allan Dexter dela Cruz alyas "Bakal." Siya ay nasukol sa Barangay Pinagquartelan, sa bayan ng Pandi.

Ipinahayag ni Police Chief Inspector Manuel De Vera ng Pandi na hindi nagbagong-buhay si Dela Cruz kaya nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation na nauwi sa engkwentro.

Nanlaban din umano ang tulak ng droga na si alyas Lito Onse, na nasawi sa barilan sa Barangay Santol sa bayan ng Balagtas. Nakatakas umano ang kasabwat nito sakay ng isang motorsiklo.

Nakipagbarilan din umano at napatay sa operasyon si alyas Ali, notoryus na tulak ng shabu sa Barangay Paco sa bayan naman ng Obando.

Gayundin, sa Barangay Cutcot sa bayan ng Pulilan, napatay ang isang tricycle driver na isa rin umanong tulak ng shabu. Sa inisyal na impormasyon ng mga pulis-Bulacan, wala sa narco-list ng baragay si alyas Gorio, pero nakumpirma ng mga police asset ang iligal na aktibidad nito.

Matatandaang noon lamang ika-24 ng Mayo, apat na drug suspects din ang napatay ng mga pulis-Bulacan sa magkahiwalay na operasyon kontra droga. —LBG, GMA News