Patay ang isang lalaki sa San Roque, Zamboanga City, matapos siyang saksakin ng pinsan dahil sa kanila umanong pagtatalo tungkol sa NBA finals nitong Sabado.

Sa "Balitanghali Weekend," kinilala ang biktima na si Henry Macapili at ang suspek na si Marvic Macotocruz.

Ayon kay Macotocruz, sinapak siya ng biktimang si Henry habang pinagtatalunan nila ang laban ng Golden State Warriors at ng Cleveland Cavaliers.

Umuwi ang suspek para kumuha ng patalim at pagbalik ay sinaksak niya ang biktima na kaniyang pinsan.

Namatay ang biktima sa dahil sa saksak sa tiyan.  Nasaksak din umano sa hita ang kapatid nito na umawat sa kanilang pagtatalo.

Pinagsisisihan naman umano ni Macotocruz ang nangyari at handa siyang harapin ang kaniyang kaso. —Jamil Santos/LBG, GMA News