Patay ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kaniyang kapitbahau sa Zamboanga City. Depensa ng suspek, nagalit siya sa biktima dahil nakipagtalik ito sa kaniyang asawa.



Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Edwin Francisco, 41-anyos.

Naaresto naman ang suspek sa krimen na si Juls Sabaani, na umano'y kabilang sa drug watch list ng pulisya dahil sa paggamit ng droga.

Ayon kay Sabaani, nagalit siya sa biktima dahil sa pakikipagtalik umano nito sa kaniyang asawa kaya niya sinugod ang pinagtataga.

Hindi na itinanggi ni Sabaani ang nagawang krimen na mahaharap sa kasong murder.

Sa Zamboanga pa rin, pinagsasaksak naman habang natutulog at namatay ang 52-anyos na si Villamor Ramirez.

Ang suspek sa krimen, ang kaniyang mismong pamangkin na si Jeffrey Ramirez, na kusang sumuko sa mga awtoridad.

Ayon kay Ramires, nagawa niya ang krimen dahil ginahasa umano ng biktima ang kaniyang asawa.-- FRJ, GMA News