Nahuli sa isang entrapment operation sa Imus, Cavite ang isang manloloko umano sa mga online shopper.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng biktima nag-post siya sa social media na interesado siyang bumili ng cellphone kaya kinontak siya ng isang nagpanggap na tiyahin niya para mag-refer ng isang seller.

Nagpadala siya ng P13,000 sa naturang seller na kinilalang si Rupert Henry Mesina Vergara pero walang ipinadalang cellphone sa biktima at hindi na rin makontak ang suspek.

Humingi na ng tulong ang biktima sa mga pulis para madakip si Vergara.

Gumamit ang biktima ng ibang number at nagkunwaring bibili sa suspek. Doon na na-trap ang suspek.

Aminado naman ang suspek sa krimen at inamin din niya na naaresto na siya dati sa Bacoor sa parehong krimen.

Nakipag-areglo lang daw siya sa dating nabiktima.

Nanawagan ang suspek sa mga katulad niya na magbago na.

"Sa mga gumagawa nito through online, magbago na rin kayo kasi unang-una, kawawa naman kung sakaling meron kayong mga anak at asawa, maapektuhan sila," sabi ni Vergara.

Nahaharap sa kasong estafa ang suspek. —Maia Tria/LBG, GMA News