Hindi bababa sa 14 katao na kinabibilangan ng mga nakatatanda ang nasawi nang mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyan sa Balbalan, Kalinga nitong Martes ng hapon.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing galing sa Barangay Salegseg ang mga biktima matapos kumuha ng kanilang allowance sa ATM machine mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Sa kanilang biyahe pabalik sa kanilang barangay dakong 2:20 p.m., nawalan umano ng preno ang sinasakyan ng mga biktima sa pababa at palikong bahagi ng Dao-angan na naging dahilan ng pagkahulog nila sa bangin na may lalim na 200 metro, ayon kay Senior Police Officer 4 Ruff Manganip, assistant public information officer.

Ang Balbalan ang isa sa mga liblib na bayan sa Kalinga.—FRJ, GMA News