Dahil umano sa matinding pagseselos, nagawang silaban ng isang lalaki sa Pampanga sinilaban ang kaniyang misis, na ngayon at nasa kritikal na kalagayan.

Nalapnos ang iba't ibang bahagi ng katawan ng ginang na si Joana matapos buhusan ng gasolina at silaban sa loob ng kanilang bahay sa Angeles city, Pampanga, ayon sa ulat ng Balitanghali nitong araw ng Linggo.

Kinilala ang suspek na mister na si Roman Timbol Lacsina.

Sa tindi ng mga paso, kritikal ngayon ang kalagayan ng biktima sa pagamutan.

Dagdag ng ulat, nadamay pa ang dalagitang anak ng biktima sa ginawa ng suspek.

"Ginawa ng anak niya, binuhusan daw po ng tubig tapos yung mga basang damit niyakap sa nanay niya kaya po yung anak niya, nadawit din," pahayag ng kapatid ng biktima.

Walong buwan nang hiwalay si Joana at ang suspek kaya sa bahay ng kapatid na ito nakatira.

Pero noong Lunes, naisipan ng biktima na dalawin ang kaniyang mga anak at umuwi sa kanilang bahay. Doon na umano nangyari ang krimen.

Ngunit, hindi umano ito ang unang pagkakataong na sinaktan ng suspek ang biktima.

"Noon pong nakaraang taon, may insidente po ng pananaga. Kaya lang po hindi po sila nagreklamo dahil nga po binigyan pa po niya ng isa pang pagkakataon," ayon kay Police Officer 2 Marian Trinidad.

Tinutugis na ngayon ang tumakas na suspek na sasampahan ng reklamong frustrated murder in relation to the Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004. —LBG, GMA News