Bangkay na nang matagpuan ang isang 14-anyos na babae na inutusan lang bumili ng gamot sa Alaminos, Laguna. Hinihinalang sinakal ang biktima at posibleng ginahasa dahil wala siyang saplot pang-ibaba nang nakita.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabing nakita ang bangkay ni Hazel Pedroso nitong madaling araw ng Linggo sa masukal na bahagi ng Barangay  San Gregorio sa Alaminos.

Ayon sa ina ni Pedroso, lumabas ng bahay ang kaniyang anak para bumili ng gamot noong Sabado pero hindi na siya nakauwi.

Nakita ang kaniyang bangkay 300 metro ang layo sa kanilang bahay at nasa tabi niya ang gamot na binili.

Ayon sa pulisya, may bukol na tinamo sa ulo ang biktima at may pasa sa leeg kaya hinihinalang sinakal ang dalagita.

Sa panayam ng "QRT" sinabi ni Police Senior Superintendent Kirby John Kraft, Laguna police director, na nadakip na nila ang 43-anyos na suspek na kalugar ng biktima.

Sinampahan na umano ng kasong rape with homicide ang suspek.-- FRJ, GMA News