Arestado ang isang lalaki sa Hermosa, Bataan, matapos niya umanong martilyuhin sa ulo ang kanyang 5-taong gulang na anak, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Martes.

Naganap umano ang insidente nitong Linggo nang umuwi ng bahay ang suspek at pagdiskitahan ang anak.

"Nagsisigaw siya (anak). Humingi siya ng tulong doon sa katabing bahay nila," ani Alfonso Cortez, kapitan ng Barangay Sacrifice Valley.

Napag-alaman na hindi ito ang unang beses na sinaktan ng ama ang kanyang anak.

Nitong Setyembre, hinampas daw ng suspek ng walis tambo ang anak matapos nitong galawin ang portable DVD kahit na pinagbawalan siyang gawin ito.

"Kumuha siya (suspek) ng walis tambo at 'yun ang pinampalo dun sa hita ng bata," ani Cortez.

Dagdag pa ni Cortez, ginagawa ng suspek ang pananakit sa kanyang anak tuwing siya ay lasing.

Napag-alaman din na nilayasan ng misis ang suspek dahil din sa pagmamaltrato.

Hindi nagbigay ng komento ang suspek hinggil sa mga paratang sa kanya.

Humingi naman ng tulong ang barangay sa Municipal Social Welfare and Development para pansamantalang kupkupin ang biktima at kanyang nakababatang kapatid. —KBK, GMA News