Nakaligtas, ngunit nasugatan, ang isang binatilyo sa pang-aatake ng buwaya sa bayan ng Balabac, Palawan.

Sa ulat ng "Balitanghali" nitong araw ng Linggo, paahon na sana ang 16-anyos na binatilyo mula sa pagpaligo sa dagat at sumampa na sa bangka nang atakehin siya ng buwaya.

Ayon sa Balabac police, pinagpapalo ng sagwan ng kasama ng  biktima ang buwaya hanggang sa bumitiw ito sa pagkakagat sa hita ng binatilyo. 

Naisugod kaagad ang binatilyo sa rural health center ng Balabac, at matapos  matahi ang tatlong sugat sa hita at sa binti ng biktima, agad itong pinauwi sa kaniyang bahay sa Barangay Poblacion 5.

Ipinaalam na sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources and insidente.

Pahayag ng Balabac Police, hindi bababa sa anim na insidente na ng crocodile attack ang naitala sa bayan sa loob ng anim na taon. —LBG, GMA News