Patay ang dalawang lalaki na umano'y sangkot sa pagbebenta ng shabu matapos mauwi sa engkuwentro ang ginawang buy-bust operation ng mga pulis sa San Jose del Monte, Bulacan.

Nangyari ang insidente sa Purok 8, Barangay Lawang Pare dakong 11:35 ng gabi ng Biyernes, Araw ng mga Kaluluwa, kung saan kinilala ang nasawing suspek na sina Arnold Alcaraz, at isa pang hindi matukoy na lalaki.

Bago nito, nakatanggap ng impormasyon ang PNP DEG Camp Crame tungkol sa pagkasangkot ni Alcaraz sa malawakang pagbebenta umano ng droga sa lugar.

Nang makumpirma ang impormasyon, isinagawa na ang buy-bust operation sa pangunguna ni Police Superintendent Orlando Castil Jr., kasama na rin ang mga tauhan PDEA.

Iniabot kay Alcaraz ang P500 marked money ng poseur-buyer kapalit ang isang heat-sealed transparent plastic na pakete na naglalaman umano ng shabu. Nanghingi ng back-up ang asset nang mapansing may kasamahan pa si Alcaraz sa loob ng bahay nito at armado ng hindi matukoy na kalibre ng baril.

Nagkaroon ng ingay sa pagpunta ng backup team sa bahay ng suspek, nang pinaputukan sila umano. Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang dalawang lalaki.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 na baril at isang improvised shotgun, aluminum foil na may bakas pa ng shabu, at isa pang pakete ng shabu sa mesa.

Iniimbestigahan na ng SOCO ang crime scene upang matukoy ang halaga ng ilegal na droga na nasamsam mula sa mga suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News