Patay ang tatlong hinihinalang mga tulak ng droga matapos magkasa ng magkahiwalay na buy-bust operation ang pulisya sa Nueva Ecija at Laguna.

Ang dalawang suspek ay napatay sa Gapan, Nueva Ecija matapos umanong manlaban sa mga operatiba, ayon sa ulat sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Sabado.

Nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon kaya't pinaputukan nila ang mga awtoridad.

Gumanti ng putok ang mga pulis kaya't napatay ang dalawang suspek.

Narekober mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 na baril at ilang pinatuyong dahon ng marijuana.

Laguna

Samantala, sa San Pablo, Laguna, napatay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga at hinihinalang gun-for-hire hitman, ayon sa ulat sa Balitanghali nitong Sabado ni John Consulta.

Nakilala ang suspek na si Celso Tuyogan alias Jayson.

Sa ikinasang buy-bust operation, inabot ng suspek ang droga sa undercover na pulis at biglang umarangkada raw ito sa sinasakyang motorsiklo papalayo.

Nagpaputok umano ang suspek ng habulin ng mga pulis.

Nakuha mula sa suspek ang isang kalibreng .45 na baril at isang motorsiklong walang plaka.

Ayon kay Superintendent Eliseo Bernales, chief of police ng San Pablo City, kilalang birador o hitman ang suspek.

Sa San Pablo City umano nagbabagsak ng droga ang suspek, ayon kay Bernales.

Sinusuri na ng pulisya ang cellphone ng biktima upang matukoy ang kanyang source at iba pang parokyano. —KG, GMA News