Arestado ang isang 18-anyos na lalaki sa Bustos, Bulacan dahil sa pagbabanta sa 17-anyos na dalagitang ka-eyeball niya na sisiraan niya sa social media kung hindi ito papayag na makipagtalik.

Ang dalawa, nalaman na lamang kalaunan na magpinsan pala sila matapos nang may mangyari sa kanila.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles, makikita ang galit na galit na biktima na itinago sa pangalang "Donita" kabang kinokompronta ang kaniyang pinsan.

Sinabi ng pulisya na nagkakilala ang dalawa sa social media at naging magka-chat pa at magka-text.

Matapos nito, napagdesisyonan nilang magkita at doon na may nangyari sa kanila, ngunit hindi pa nila alam na magpinsan sila.

Gusto umano ulit makipagkita ng suspek matapos ang ilang linggo, pero dito na tumanggi ang biktima.

Nagsimula nang magbanta ang suspek na sisiraan niya ang dalagita kung hindi papayag na muling makipagtalik.

Dito na humingi ng tulong ang dalagita sa mga awtoridad kaya ikinasa ang entrapment operation.

Itinanggi ng suspek ang mga ibinibintang sa kaniya at iginiit na mayroon silang relasyon.

Itinanggi ito ng dalagita.

"Hindi po totoo 'yun 'yung binibintang po sa akin. Humihingi po ako ng tawad kung ano man po 'yung kinakagalit niya," saad ng suspek.

"Mensahe ko lang sa publiko, 'pag hindi natin masyadong kakilala lalo't nakilala lang natin sa social media, huwag tayong masyadong magtitiwala," sabi ni Chief Inspector Ronnie Pascua, hepe ng Bustos Police. —Jamil Santos/KG, GMA News