Patay ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang mauwi sa engkuwentro ang ikinasang buy-bust operation sa Kawit, Cavite nitong Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang dalawang suspek na sina Rodelito Pelayo alyas Toto at Artajule Sarinas.

Nakatakas naman ang isa pa sa mga kasabwat umano ng mga suspek na si Joey Komang.

Ayon sa pulisya, isinagawa nila ang buy-bust operation sa boundary ng Barangay Tabon 1 at Gahak sa Kawit.

Nakatunog umano ang mga suspek na mga pulis ang kanilang ka-transaksyon kaya pinaputukan nila ang mga operatiba.

Gumanti naman ang mga pulis na humantong sa pagkamatay ng dalawa sa mga suspek.

Nasamsam sa lugar ang isang sachet ng hinihinalang shabu, P500 buy bust money at dalawang baril na gamit ng mga suspek.

Nakakarating umano ang operasyon ng mga suspek sa Imus, Kawit at Noveleta sa Cavite. —KG, GMA News