Nahuli ang mag-live-in partner sa isinagawang drug operation sa Barangay Banaba sa San Mateo Rizal, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

“Sa hirap ng buhay, sir. Wala po akong trabaho, sir. Tsaka wala rin po akong pinag-aralan. 'Di rin ako nakapagtapos. Mahirap naman pong magnakaw,” sabi ng suspek na si Ariel Jordan alyas Bangis.

Nakumpiska ng mga pulis ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, pero ayon sa mga suspek, hindi raw sa kanila ang mas malaking pakete na tinatayang 25 grams ang timbang.

Ayon hepe ng San Mateo Police, wala naman daw umaamin sa mga nahuhuli na sa kanila nga ang nakumpiska na mga droga.

“'Yan ang common defense nila kapag nahuli na. Wala namang umaamin e. 'Di kanila lahat. Saan naman tayo kukuha ng mga ganyan? Talagang galing sa kanila, sa kanila lahat ng narerekober natin,” sabi ni Police Superintenent Vic Amante, hepe ng San Mateo Police.

Matagal na raw tinutugis ng  mga pulis si Jordan. Natunton lang siya dahil sa pagkakasangkot nito sa isang love triangle.

Ang kinakasama ni Jordan ay may kinasama rin  palang iba na isang alyas Rommel. Dalawang taon na raw sila nagsasama. Isang linggo na raw nawawala ang dalaga kaya hinanap na siya ni Rommel.

'Yun pala, may bago na itong kinakasama na hinihinalang tulak—si Jordan.

“Naniniwala na akong may forever. Magsama silang dalawa,” sabi ni Rommel.

“Kakayanin po. Pipilitin. Marami namang ibang matino kaysa sa kanya,” dagdag niya.

Sabi ng kapitan ng barangay, nakipagtulungan na raw si Rommel sa barangay at sa kapulisan para mahanap ang dalaga.

“Matagal niya pong hinahanap. Nang nalaman niya, sinundan niya at nakipagtulungan sa barangay at sa ating kapulisan,” sabi ni Kapitan Magi Cuevillas.

Depensa ni Jordan, siya naman daw talaga ang unang minahal ng dalaga, pero sa presinto na sila magpapaliwanag dahil nahaharap silang dalawa sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Kinausap ni Rommel ang dating live-in partner bago i-escort paalis ng mga pulis ang dalawang suspek. Kailangan daw kasi niya ng closure.

“Kahit anong sabihin niya tanggap ko na. Nagawa niya na po 'yan. Gusto ko lang po maliwanagan nang mabuti,” sabi ni Rommel. —Joviland Rita/KG, GMA News