Isang babaeng pulis ang ginahasa umano ng kaniyang instructor na pulis din habang nasa isang training center sa Puerto Princesa City, Palawan.



Ayon sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing naganap ang krimen sa loob ng Joint Maritime Law Enforcement Training Center sa Puerto Princesa, kung saan kabilang ang biktima sa kumukuha ng maritime trooper course.

Kinilala naman ang suspek na si Police Officer 3 Jernie Languian Ramirez, na nagsisilbing assistant instructor.

Base sa imbestigasyon, nilapitan umano ng suspek ang biktima at pilit na pinapasama sa pag-ikot sa center.

Hinalikan daw ni Ramirez ang bagitong policewoman bago niya dinala sa kuwarto at ginahasa.

Kaagad na nagsumbong ang biktima sa kanilang course director at inaresto ang suspek.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News