Dahil sa CCTV footage, nakilala ang mga suspek sa pamamaril na ikinamatay ng apat na tao sa loob ng isang videoke bar sa bayan ng Lal-lo sa lalawigan ng Cagayan.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ng mga pulis na susi ang footage mula sa CCTV  said pagkakilala sa mga suspek.

Sa isang kuha ng CCTV, makikitang kagagaling lamang ng mga suspek sa videoke bar at may kasamang isang babaeng GRO.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, inaya umano ng mga lalaki ang babae na makipagtalik pero tinanggihan sila nito, bagay na ikinagalit daw ng mga lalaki.

Samantala, sa isa pang kuha ng CCTV makikitang dumating na ang may-ari ng videoke bar para sunduin ang kaniyang GRO. Nakipagtalo sa kaniya ang isa sa mga lalaki.

Hindi na nakunan ng cctv ang mga susunod na nangyari. Pero ayon sa mga pulis, bumalik sa videoke bar ang mga suspek at hinanap ang nawawala raw nilang cellphone.

Muli silang nagkaroon ng pagtatalo sa may-ari ng bar hanggang sa magpaputok na ng baril ang mga suspek.

Patay ang apat na magkakamag-anak sa insidenteng iyon, at isa na ang may-ari ng bar.

Positibong kinilala ng isang saksi ang mga suspek sa tulong ng CCTV footage.

Nag-alok na P50,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Lal-lo sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng mga suspek.

Hindi raw ito ang unang pagkakataon na may namaril sa isang videoke bar sa kanilang lugar.

"Because of this another unfortunate incident, the local government of Lal-lo decided to close all the videoke bars," pahayag ni Chief Superintendent Mario Espino, director ng Police Regional Office 2. —LBG, GMA News