Nailipat noong Biyernes sa isang pribadong pagamutan sa Maynila si Roger Herrero na sinasabing biktima ng tangkang pag-salvage (summary execution) ng ilang pulis sa Agdangan, Quezon.

Sa tulong ng isang NGO, nakalikom ng pera ang pamilya ng biktima upang maoperahan si Roger at malagyan ng titanium plate ang nabasag niyang panga.

Itinakda ang kaniyang operasyon ngayong linggo.

Samantala, pinabulaanan ni Agdangan, Quezon Mayor Adam Aguilar ang sinasabi ng kaanak ni Roger na inaareglo sila nito.

Sinabi ni Mayor Aguilar sa GMA News na ang pamilya mismo ni Roger ang lumapit sa kanya upang humingi ng tulong na makausap ang mga pulis na bumaril kay Roger.

Bilang mayor umano, at sa kagustuhan niyang makatulong, pumayag siyang mamagitan. Sang-ayon naman daw ang mga pulis na involved na makipag areglo nalang.

Kung magkakasundo umano ay iaatras raw ng Agdangan Police ang kaso laban kay Roger at hindi na raw dapat magsampa ng kaso sina Roger laban sa apat na pulis na nasanggkot.

Namagitan raw si Mayor dahil nakita niyang willing ang magkabilang panig na magkasundo kung kayat nagtungo sila sa pagamutan kung saan naka-confine noon si Roger upang sa harap niya sila mag-usap.

Sa huli ay hindi raw nagkasundo ang pamilya ni Roger at ang mga pulis dahil hindi raw kayang ibigay ng mga pulis ang halaga na nais ng pamilya.

Iginiit din ng pamilya ni Roger na may iba pang taong lumapit sa kanila upang areglohin sila.

Sa kabila nito, pinaninindigan ng Quezon Police na lehitimo ang kanilang naging operasyon noong November 1 ng gabi.

Muling nagtungo ang GMA News sa bayan ng Agdangan, Quezon upang puntahan ang Barangay Binagbag na sinasabi ng Agdangan Police na pinangyarihan ng palitan nila ng putok ni Roger dakong 9:30 ng gabi noong Nov. 1.

Ayon sa mga residente wala silang narinig na mga putok ng baril ng gabing iyon.

Wala rin daw silang nakitang nagkakagulo o mga sasakyan ng pulis. Tahimik naman daw ang kanilang lugar at madali nilang malalaman kung may putukan o komosyon.

Samantala, labis-labis umano ang pangamba ng Ina ni Franklin Atencio o alias Aga, na sinasabing kasama ni Roger noong gabi na siya ay damputin ng mga pulis.

Si Aga rin ang sinasabi ni Roger na umanoy nag-set up sa kanya sa mga pulis.

Nawawala raw si Aga ayon sa kanyang Ina na si Irene. Nagpaalam daw ito na magta-trabaho at pupunta sa mga kaibigan niya, subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito nagti-text o tumatawag.

Madalas naman daw umaalis si Aga at nagpupunta sa mga kaibigan pero umuuwi rin ito. Ngayon lang raw ito natagalang mawala.

Hindi raw kilala ng ina ni Aga si Roger at sa balita lang raw niya nalaman ang pangyayari. Nag-aalala na raw siya dahil nabanggit ang pangalan ng anak sa nangyari kay Roger.

Ngayong darating na linggo ay nakatakdang isampa ng NBI ang kaso laban sa apat na pulis Agdangan. —LBG, GMA news