Iniimbestigahan ng City Veterinary Office ng Dasmariñas, Cavite ang isang cat pound sa Barangay San Jose dahil sa posible umanong pagpapabaya sa mga pusa. Ito ay matapos makunan ng video ang ilang pusa na kinakain ang bangkay ng mga kasama nilang pusa.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, nadiskubre ang sitwasyon ng mga pusa sa cat pound nang pumunta doon ang isang residente para tulungan ang kaibigan niyang hanapin ang alaga nitong pusa.
"Natataranta na ako kasi first time ko na makakita ng ganon," sabi ng residenteng si Yvette Mayo, na siyang kumuha ng video. "Galit na galit ako, umiyak talaga ako doon, humagulgol ako."
Hinala ni Yvette, hindi pinapakain ng tama ang mga pusa sa pound kaya wala silang nagawa kundi kainin ang isa't isa.
Kita sa video na nanghihina ang ilang pusa at puno ng dumi ang lalagyan nila ng tubig. Wala ring pagkain sa kulungan kaya pinakain nina Yvette ang mga pusa.
Ayon kay Yvette, nag-usap sila ng chairman ng barangay na kukunin niya ang mga pusa para dalhin sa shelter. Pero laking gulat niya umano nang malamang pinakawalan ang nasa 20 pusa kinabukasan.
Naninindigan naman ang kapitan ng barangay na hindi nila pinabayaan ang mga pusa. Aniya, dalawang beses sa isang araw nila pinapakain ang mga ito.
"Ang katotohanan po niyan may dalawa akong tagapag-alaga ng mga pusa, kasi hindi naman po talaga namin mababantayan 24 oras so nung napapansin nila pag pinapakain nag-aaway-away 'yung mga pusa," ani Jeff Frani, chairman ng Barangay San Jose.
Hinala ng mga taga-cat pound, namatay ang tatlong pusa dahil sa pag-aaway-away. Posible raw na aggressive o matapang ang ilang pusa kaya kinain na nila ang mga namatay nilang kasama.
Ayon sa beterinaryong si Dr. Ferds Recio, posibleng matinding gutom ang dahilan kung bakit kinain ng pusa ang bangkay ng kasama nilang pusa.
Hindi rin daw maisasantabi ang factor na natural hunters ang mga pusa.
"Puwedeng it is because of starvation, because wala nang ibang pagkain," ani Recio.
"It is also true na papatayin nila 'yung kasama nila for them to eat. Hindi ibig sabihin na one hundred percent wala silang makain kaya papatayin nila ang kasama. Puwede naman 'yun pero it is not one hundred percent sure," dagdag pa niya.
Kung mapapatunayang nagkaroon ng kapabayaan o pang-aabuso sa mga pusa, maaari raw managot ang barangay officials dahil sa paglabag sa Animal Welfare Act.
"Nananawagan kami sa mga tao who have personal knowledge about animal cruelty to step forward to do an affidavit sa law enforcement natin," ani Anna Cabrera, executive director ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS).
"Kung nahihirapan silang mag-file ng case, puwedeng lumapit sa PAWS. Libre naman ang legal assistance," dagdag pa niya.
Pinuntahan na ng Dasmariñas City Veterinary Office ang cat pound ng Barangay San Jose para alamin kung talagang may kapabayaan na nangyari.
"As an immediate mitigation, we asked na temporarily, i-hold na muna niya ang kaniyang impounding until maayos namin ang system nila and also ma-brief namin ang mga workers niya roon," ani Dr. Andrew Buencamino, city veterinarian. —KBK, GMA Integrated News